DIY first aid hacks para sa mga motor na nalubog sa baha
Gilbert Chao · Oct 9, 2022 08:00 AM
0
0
Wala na sigurong mas traumatic pa sa isang rider na makita ang kanyang pinakamamahal na motor na malubog sa baha. Medyo nakaka-worry talaga lalo na sa mga panahon ngayon na kung kailan bigla-bigla na lang binabaha kahit ang mga areas na hindi naman dati flood-prone. So kahit nananahimik ang motor mo sa iyong garahe ay puwedeng pag gising mo sa umaga ay nakalubog na pala ito sa tubig baha. Pero huwag mo puyatin ang sarili mo kakaisip nito dahil kung mangyari man yan, hindi naman mahirap maibalik sa original condition ang iyong motor, basta maagapan lang ng mga tamang first aid hacks.
Disclaimer lang, ang ultimate goal natin para sa motor na nalubog sa baha ay mapa-service ito sa isang qualified technician as soon as possible. Kaya ang mga hacks na ito ay pang first aid lang para ma-prevent ang further damage habang hindi pa nadadala sa service center.
1. Huwag paaandarin ang motor. I-inspect ito at tanggalan ng mga debris na sumabit sa dito.
Puwedeng magsanhi ng sunog ang mga ito kapag pinaandar na ang makina ng motor. Pero bago yan ay i-determine muna kung inabot ng tubig ang mga piyesang ito:
Capacitor Discharge Ignition (CDI) – Kapag de-carburador, maliit na plastic box na madalas nakakabit sa ilalim ng saddle o sa bandang itaas ng side panel.
Engine Control Unit (ECU) – Sa fuel-injected, mukhang maliit na circuit board na usually nasa bandang headlight assembly o ilalim ng upuan.
Battery – Sa stardard na motor ay usually nasa ilalim ito ng left side panel. Sa mga scooter naman ay madalas nasa ilalim ito ng upuan, katabi ng gas tank, pero may ilang scooters na nasa ilalim ng floor board ang baterya.
Mga Sensors – Para sa mga may anti-lock brakes (ABS) o traction control.
Gas tank – In theory ay water tight at air tight naman ito pero depende pa rin yan sa condition ng gasket ng filler cap.
2. Hugasan agad ang iyong motor gamit ang malinis na tubig at bike detergent.
Tuyuin nang mabuti gamit ang chammy or microfiber cloth. Ang tubig baha ay mabilis makapagpakalawang ng mga metal parts gaya ng sprocket, chain, tambutso o shock absorbers. Kung available ay mag apply ng chain lube sa kadena at WD40 naman sa mga hinges at turnilyo. Kung Inabot ng baha ang alin man sa mga naunang nabanggit na piyesa ay hanggang dito na lang ang iyong gagawin at mas-advisable na ipa-tow mo na lang ang iyong motor o kaya ay magpa-home service na lang sa technician.
3. Buksan ang drain plug at i-drain ang engine oil.
Iwasang gumamit ng air compressor para hanginan palabas ang lumang langis dahil ang compressed air ay may moisture na puwedeng mag-cause ng damage sa loob ng makina. Huwag itatapon ang used oil sa drainage. Puwede mo itong isalin sa lumang container at ibigay sa kahit saang gas station para ma-dispose ng maayos. Lagyan ng bagong langis ang makina. Ang suggestion ko ay gumamit muna ng mumurahing langis o kahit monograde lang. Kung ang motor mo ay may oil filter ay palitan narin ito. Kung scooter ang iyong motor ay mas mabuti kung palitan mo na rin ang gear oil.
4. Kung nalubog ang air box ay huwag i-start ang motor nang hindi napapalitan ang air filter.
Siguraduhin din na malinis at tuyo ang loob ng air box. Sa mga standard na motor ay nasa ilalim ito ng right side panel o kaya ay sa ilalim ng upuan.
5. Ang CVT assembly ng mga belt-driven scooter ay madalas nasa bandang ibaba, sa tabi ng rear wheel kaya ito ang usually unang nalulubog sa baha.
Dahil nagre-rely sa friction ang drive belt para mag transfer ng power sa rear wheel, ang CVT assembly ay dapat lagi malinis at tuyo, para sa maayos na operation nito. Kapag madumi ang loob nito ay makararanas ang rider ng drag o belt-slippage sa acceleration. Pero mas advisable na ipalinis na lang ito kapag narating na ang service center dahil ang pag disassemble nito ay kinakailangan ng specialized tools at professional mechanical skills.
6. Hugutin ang sparkplug connector at i-ensure na tuyo ito bago ibalik.
Kung nalubog ang starter motor (cylindrical shape na piyesa na malapit sa engine block) ay mas mabuti na gamitin na muna ang kick start lever kung mayroon. Pero water tight naman ito dapat kaya kung wala kayong kick starter puwede rin naman gamitin ang electric starter, kung sa palagay mo ay hindi naman nabasa ang loob nito.
7. Ngayon ay puwede mo nang i-start ang makina.
Ipa-idle ng ilang minuto tapos i-rev ng bahagya para maibomba palabas kung may tubig man na naiwan sa loob ng muffler. Kung sigurista ka ay puwede mong palitan ulit ang langis bago sakyan ang motor papunta sa service center.
Ang mga DIY hacks na ito ay hindi kailangan ng advanced mechanical skills at kayang gawin ng kahit sinong motorcycle owner gamit ang basic tools na provided ng dealership sa bawat unit. Kung hindi ka familiar kung paano gawin ang mga steps na ito ay puwedeng konsultahin ang iyong owner’s manual.
Kayo, naranasan niyo na bang mag first aid ng nabaha na motor?
A moto-journo who spends most of his time on the saddle unless otherwise saddled with desk work. His curious nature and poor sense of direction often take him on unplanned adventures.