Para sa akin, astig ang Kawasaki kung i-kukumpara sa ibang “big four” brands. Parang breath of fresh air and dating sa akin ng pagka non-PC (politically correct) na brand image nito.
Sa Kawasaki launches lang din ako nakakakita ng pole dancers. Ang lupit, ‘di ba?
Bilib din ako sa marketing style nila na madalas ay nakaka one-up sa competition. Parang noong inilabas ng Honda ang kinikilala ng karamihan na isa sa mga unang superbike, ang CB750, noong 1968. Tinapatan agad ito ng Kawasaki ng sarili nilang version na may mas mataas 903 cc displacement, ang Z1.
O kaya naman sa pantra segment dito sa atin. Ang Kawasaki ang may pinaka-mataas na displacement na business model, ang Kawasaki Barako II.
Pagdating naman sa entry-level Supersport segment, Kawasaki lang ang may 250 cc na in-line four, ang ZX-25R. Ang offering kasi ng competition ay madalas twin-cylinder lang, may iba pa nga single-cylinder lang, kaya medyo turn-off dahil racebike nga ang itsura pero tunog pantra naman.
Kapag four-cylinders kasi, “big bike” ang tunog at puwede mong paiyakin ang makina hanggang 15,000 rpm at hindi ka paiiyakin ng vibrations. Pero malamang, kahit anong angas ng ZX-25R, ang nasa isip niyo pa rin ay “sayang, bitin pang-tollway”.
Buti na lang, nag-announce ang Kawasaki recently na starting this month ay ilalabas na nila ng ZX-4R sa iba-ibang markets globally. Sana dito sa atin ay i-launch na ito ng Kawasaki sa mga naka-schedule na motorcycle trade shows sa March at April.
Ang ZX-4R ay may liquid-cooled, in-line four DOHC engine na may output na 57 kW. Pero ito ay equipped ng Ram Air system ng Kawasaki kaya napapataas pa nito ang maximum output sa 59 kW.
Para naman mas safe ang rider nito ay nilagyan ng Kawasaki ang ZX-4R ng electronic rider aids gaya ng traction control at riding mode selector na may 4 na settings: Sport, Road, Rain at Rider (manual/customized).
Mayroon din itong dual-directional KQS (Kawasaki Quick Shifter) para puwedeng mag-upshift o mag-downshift nang hindi kailangang gamitin ang clutch. Makakatulong ito para makakuha ng mas magagandang lap times sa track.
May phone connectivity feature din ang ZX-4R gamit ang Kawasaki Rideology App.
Siguro ang tanong na lang natin ay HM po? Well, ang ZX-25R ay nasa ₱410,000. So siyempre maging realistic lang din tayo expectations natin sa SRP ng ZX-4R.
Ikaw ba, willing ka mag-settle sa isang reasonably-priced, twin-cylinder Ninja 400 (₱340,900) o todo ka na sa in-line four na ZX-4R kahit posibleng mas masakit sa bulsa?